by Angelika V. Ortega
Mananahimik na lang dapat ako. Huling taon ko na, sana, sa Kolehiyo sa susunod na taon. Hindi dumadali ang mga sabjek sa law skul, kasabay pa ang trabaho sa isang industriyang walang pinipiling oras at ang mga agam-agam sa kinabukasan ko. Sa murang edad na bente-dos, na may maimpluwensyang pamilya sa siyudad, na may pribilehiyong mabuhay nang walang kahirap-hirap, malinaw na ang pinakamainam na opsyon ang huwag sumugal at ilagay ang sarili sa alanganin.
Pero hindi ako mapakali.
Sabi nila, nasa indibidwal pa rin ang gawa kahit sino pa ang iluklok sa puwesto. Lahat ng mga tumakbo at tatakbo ay ‘di hamak na mga trapo, kaya’t sa huli, ikaw pa rin ang magsasalba at dapat kumayod para sa sarili mo.
Naglipana na rin ang mga taong pili’t ipinaglalaban ang mga kulay para sa pansariling interes, para maitaas lamang ang sarili sa iba.
Nakaligtaan na yata ng marami na ang buktot na kalakaran na ito ang nais pabagsakin ng mga tao, lalo na ng oposisyon. Na hindi bumababa ang bilang ng mga Pilipinong naghihirap, at ang tunay na laban ay para sa kanila—ang mga nasa laylayan, mga magsasaka, mga manggagawa, at ang iba pang mga sektor ng lipunan, pati na rin ang mga Pilipino na biktima ng misimpormasyon at disimpormasyon. Sa huli, ang laban na ito ay para sa buong sambayanang Pilipino.
May mga nalungkot pa, kung hindi man nadismaya, dahil ang isang Ilokanang tulad ko ay bumoto sa isang taga-Naga. Na-brainwash na raw ako ng mga Manilenyo, mahigit limang taon ba naman akong tumira roon.
Ngunit nakalulungkot lalo na ito na ang estado ng ating bansa ngayon: Nakabatay sa lugar at kinaroroonan ang husay ng isang pinuno, hindi sa kakayahan mamahala at kalinisan ng kredensyal. Naglaganap na ang mga peyk news at harap-harapang propagandang iklaro ang pangalan ng pamilyang mamamatay-tao noong panahon ng Martial Law. Mahigit labing-isang libo ang dinakip, pinatay, nagdusa, at kinulong nang walang kadahilanan. Hanggang ngayon, ilang dekada na ang lumipas, sila at ang kani-kanilang mga pamilya ay naghahangad pa rin ng hustisya.
Noon pa man, bulok na ang sistema ng Pilipinas, ani nila. Wala ka na raw magagawa. You can’t change the past daw, pero hinayaan na lang nila—sila na may kamalayan sa kalupitan noong panahon—maupo ang isang anak ng diktador na walang hiyang babaguhin ito.
Nakalimutan na siguro nila na ang mga pagkilos at ang mga rebolusyon ng nakaraan ang nag-udyok sa kalayaan ng mga Pilipino sa dayuhang kontrol sa lupa, sa korap na pamamahala, at sa diktadurang pamamalakad.
Malayo pa ang tatahakin para sa matiwasay na pamumuhay, lalo na’t dala-dala ng mga kasalukuyang pangyayari ay mga panibagong hamon na hindi maiiwasan ng kahit sinuman. Sa laban na ito, hindi ako mag-aatubiling ilagay ang sarili sa alanganin dahil bitbit at kaakibat ko ang kolektib na mapagkawanggawang pagtindig at pag-ingay sa pagpapaalala at pag-aantig.
Hindi na talaga dapat ako susugal. Pero ang hirap pumikit. Ang hirap magpanggap na tahimik lahat. Ang hirap magkunwari na wala na tayong maaaring gawin. Ang hirap balewalain ang pagsisikap ng ating mga ninuno para makamit ang kalayaang dinaranas natin ngayon. Nakakapagpabagabag na paurong tayong umuunlad.
Mananahimik na lang dapat ako. Pero nakabibingi ang ingay. Hindi ako mapakali.