By Ella Marie M. Mercado
Ang panimulang musika, kanta, sa Bar Boys: the Musical ay paulit-ulit ang mga salitang ito, tila ba isang sampal sa katotohanan — na ikaw, pañero’t pañera na nangangarap, balang-araw sisingilin ka ng tadhana, hindi man ngayon, ngunit bukas, sa susunod na buwan, o sa sa susunod na taon. Balang-araw.
Hanggang sa panghuling senaryo, akto, kinakanta ito na parang nobena, isang paalala, isang babala: kung mangangarap ka, maghanda ka sumugal, magbayad, magsakripisyo. Hindi lang ito limitado sa mga gustong magtapos ng abogasya, ngunit sa lahat ng mga nagbabalak mangarap, magsumikap, sa lahat ng gusto makaangat sa buhay at sa lipunan.
Gasgas na, at marahil masyado na ring tayong matanda, para maniwala na libre ang mangarap. Ang katotohanan ay libre lamang ito sa mga taong hanggang pangarap lang ang mga pangarap, mga nangangarap sa hangin, sa mga taong hindi kaya at hindi handa sumugal para sa mga pangarap nila. Dahil kasama rin sa pagsugal ay ang tiwala sa sarili. Kadalasan ay napapangunahan sila ng kaba at takot at mababang pagtingin sa sarili. ‘Sino ba naman ako para makapag tapos ng ganito?’ Pero sabi nga ni Odette Khan bilang Justice Hernandez, “Kung hindi ka natatalo, hindi ka gumagalaw.”
Sa kabilang bakod, para sa karamihan sa ating nangahas at kaya habulin ang mga pangarap, lagi’t lagi may kaakibat itong presyo ng oras, puyat, luha, at iba pang uri ng sakripisyo. Magmula sa unang hakbang, nananalig na tama ang patutunguhan, na bawat tapak na madiligan ng luha at pawis ay mamulaklak, at sa dulo ng daan, ay panibagong lakbay kasama ang ‘Atty.’ sa pangalan.