Isinulat ni Maria Georgina T. Silva

Ang pilosopiya ay parte na ng buhay ng isang tao. Para sa karamihan, hindi naman talaga makabuluhan ang pilosopiya sapagkat ang pilosopiya ay wala namang ibang ginagawa kung hindi ang gumawa ng mga problema na wala namang batid na solusyon. Subalit ito ay isang maling kuro-kuro sa pilosopiya sapagkat hindi lamang ito maituturing na question-and-answer portion na maihahalintulad sa mga beauty pageants.

Ayon kay Aristoteles, likas na katangian ng tao ay pagnanais na makaalam. Kung gagamitin naman natin si Santo Tomas de Aquino, ang kaalaman na ninanais ng mga tao ay nagsisimula sa pandama. Kung wala ang pandamang karanasan, imposibleng magkaroon ng kaalaman ukol sa mga makamundong bagay. 

Ang batayan ng pamimilosopiya ay hindi lamang nakukulong sa pag-iisip o pagmumuni lamang ng isang tao, sapagkat kung ito lamang ang ikinokonsidera, malamang ay lahat ng tao ay pilosopo dahil lamang sa taglay nilang pag-iisip o pagmumuni ukol sa mga bagay-bagay. Kaya nararapat lamang na ang pamimilosopiya ay mayroon ding taglay na pagdanas sa mga bagay-bagay.

Ang karanasan ng pilosopiya ay maaaring manggaling sa pandamang karanasan o isang karanasan na hindi namamalayan, sa kadahilanang ang karanasan ay wala namang pisikal na epekto sa isang tao—madalas, ang karanasan ay nadarama lamang. Ang pilosopikal na karanasan ay isang uri ng karanasan na hindi kayang maibahagi ng isang tao sa iba, ito ay angkin lamang ng isang tao at kaniya lamang iyong karanasang iyon. Ngunit mayroon ding mga uri ng karanasan na pang maramihan, ito ay ang kamalayan ng pagkakaisa kung saan mayroong iisang layunin ang mga tao, ay maari nang sabihin na ang layunin na ito ay ang paghanap sa katotohanan.

Isang paraan ang pilosopiya upang dumating sa katotohanan, subalit hindi lamang ultimo ang pag-iisip na para bang pamimilosopiya ang makakapagdala sa isang tao sa katotohanang kaniyang hinahanap-hanap, sapagkat hindi naman lahat ng tao ay magkakapareho ng hinahanap na katotohanan. Ang pilosopiya ay isang pagtugis sa kaisipan; siya rin ay ang pagtugis sa katotohanan. 

Ang pilosopiya ay hindi nagtatapos sa paghahanap ng iisang sagot para sa lahat. Dahil ang layunin ng pilosopiya ay hindi ang tapusin ang pagtatanong, kundi ang gawing mas makabuluhan ang bawat sagot na ating natatagpuan. Ito ay ang sining ng paggising sa gitna ng pagkakahimbing—isang pagkilala sa bawat “bakit” na ating binibitawan, hanggang sa mas lalo nating nayayakap ang tunay na kahulugan ng pagiging tao. Hindi ang dulo ng paglalakbay ang pinakamahalaga, kundi ang pagpapakatao sa gitna ng pagtatanong. Ang pamimilosopiya ay ang pagyakap sa hiwaga ng buhay nang may bukas na isip at gising na pandama, hanggang sa ang ating mga tanong ay maging mismong daluyan ng ating karunungan.

Leave a comment